Habang Lumalalim ang Kaso ni Alice Kuo, Lalong Lumalakas ang Banta sa Kanyang Buhay

Sa wakas, matapos ang mahabang proseso at serye ng pagdinig, ibinaba na ng Pasig Regional Trial Court ang hatol na panghabambuhay na pagkabilanggo laban kay Alice Guo, ang dating alkalde ng Bamban, Tarlac. Kasama niyang nahatulan ang pito pang akusado dahil sa “qualified human trafficking,” isang kasong mabigat na hindi lamang nagdulot ng pagkabigla sa publiko, kundi naglatag din ng mas malalim na tanong tungkol sa mga ugnayang nakapaloob sa likod nito. Sa hatol ng korte, ipinag-utos din ang pagbabayad ng milyon-milyong piso ng multa bawat akusado, bukod pa sa danyos para sa mga biktima. Ngunit hindi dito nagtatapos ang kuwento.

Isang napakalaking bahagi ng desisyon ang nag-utos sa Securities and Exchange Commission na kanselahin ang rehistro ng Baofu Land and Development Inc. at ilipat sa pamahalaan ang buong Baofu compound na nagkakahalaga ng anim na bilyong piso. Isang napakalaking asset na ngayon ay opisyal nang kontrolado ng estado.

Matapos ibaba ang sentensiya, agad na inilipat si Alice Guo sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong, habang ang mga kasama niya ay dinala naman sa New Bilibid Prison. Ngunit kung inaakala ng marami na ang pinakamalaking problema ni Guo ay ang pagkakakulong, may bagay na mas mabigat: ang umano’y banta sa kanyang buhay.

Sa isang ulat ng Reuters noong Nobyembre 2025, ibinunyag na ang Thailand ay nagpa-extradite sa China ng kilalang gambling kingpin na si She Zhijiang. Sa unang tingin ay tila walang koneksiyon si She kay Alice, ngunit ang masusing pagbusisi ay nagbukas ng nakakagulat na ugnayan na posibleng magpaliwanag sa lalim ng problema ni Guo.

Si She Zhijiang—isang negosyanteng sangkot sa iligal na online gambling, human trafficking, torture, at iba pang aktibidad—ay matagal nang minamanmanan ng China. Ngunit ayon sa mga dokumentong ibinunyag niya bago pa man siya maaresto, hindi simpleng kriminal ang tingin ng Beijing sa kanya. Sa isang pagkikita noong 2016, isang opisyal mula sa Ministry of State Security ang lumapit sa kanya at inalok siyang burahin ang lahat ng kaso laban sa kanya kapalit ng pagiging espiya para sa Chinese Communist Party.

Hindi agad inilahad sa kanya ang detalye ng misyon. Ngunit kalaunan, binigyan siya ng bagong pagkakakilanlan bilang Cambodian citizen—kumpleto sa bagong pangalan, dokumento, at cover bilang isang matagumpay na negosyante sa Golden Triangle. Ilang taon, malaya siyang nakikisalamuha sa iba’t ibang opisyal sa Southeast Asia, kabilang ang mga pulitikong Pilipino.

Ngunit dumating ang araw na ibinunyag ng Chinese agent ang totoong assignment ni She: hindi siya gagamitin sa Cambodia o Thailand, kundi sa Taiwan. Ang kanyang cover bilang negosyante ay ginawa lamang upang makalusot siya papunta roon at makapag-operate sa ilalim ng radar.

Dito na nagsimula ang lahat ng problema. Tinanggihan ni She Zhijiang ang misyon. Hindi niya alam na sa CCP, kapag pumayag kang maging espiya, wala nang atrasan. Ang pagtanggi ay katumbas ng pagtataksil. Ilang linggo matapos ang pagtanggi, inihayag ng China na siya ay wanted criminal, sabay ipalaganap ang kanyang alias at akusasyon sa buong mundo.

Arestado siya sa Bangkok noong 2022, at mula noon, tumakbo ang kanyang buhay sa pagitan ng pagharap sa extradition at paglalantad ng umano’y mga operasyon ng China. Dito niya binanggit ang isang bagay na yumanig sa politika ng Pilipinas: ayon sa kanya, isa sa mga espiya ng China ay nasa loob mismo ng bansa—si Alice Guo, na kilala rin sa alyas na “Goa Ping.”

Ibinunyag daw ni She ang isang dossier na naglalaman ng mga dokumentong nagpapatunay na hindi Pilipino si Guo, kundi isang espiya mula Fujian na ipinasok sa bansa sa pamamagitan ng kumplikadong human trafficking pipeline. Hindi pa man napapatunayan ang lahat ng alegasyong ito, umani na ito ng kontrobersiya at malawak na paghihinala sa publiko.

Ang babala ni She ay malinaw: “Tingnan niya kung ano ang nangyari sa akin. At kung ayaw niyang ma-eliminate, dapat niyang sabihin ang buong katotohanan.” Nakakakilabot na mga salita na ngayon ay tila mas may bigat, lalo na’t siya ay na-extradite na pabalik sa China.

 

Marami ang naniniwala na wala nang makakikita kay She mula ngayon—isang kapalarang sinasabing sinapit na ng maraming dating espiya o asset ng CCP na nagbunyag ng impormasyon. Kung ito ang kapalaran ng isang taong naglantad ng operasyon ng espionage, natural lamang na mangamba para sa buhay ng sinumang taong isinasangkot niya sa kanyang mga pahayag.

Sa Pilipinas, hindi bago ang mga kaso ng umano’y Chinese espionage. Noong Enero 2025, limang Chinese nationals ang inaresto matapos mahuling gumagamit ng drone at high-resolution solar-powered camera upang kunan ang mga sensitive facility gaya ng naval base, airbase, at coast guard station. Sa ulat ng UCA News, nagkunwari raw ang mga ito bilang miyembro ng lehitimong organisasyon upang ma-access ang mga pasilidad.

Kung ilalagay sa kontekstong ito, ang kaso ni Alice Guo ay hindi lamang kriminal—posible rin itong maging geopolitical. Habang nasa Pilipinas siya, hawak siya ng sistemang ligal ng bansa. Ngunit kung totoo ang mga alegasyon, malaki ang interes ng CCP na ibalik siya sa kanilang hurisdiksiyon bago pa siya maglabas ng anumang impormasyon.

Ito ang dahilan kung bakit sinasabi ng ilang analyst na mas lumalala ang panganib sa buhay niya. Hindi dahil sa mga Pilipino o sa kanyang mga biktima, kundi dahil sa posibleng pressure mula sa mismong bansang sinasabing pinagmulan niya.

Sa kasalukuyan, hindi pa rin malinaw kung may katotohanan ang lahat ng alegasyon nina She Zhijiang. Ngunit ang isang bagay ay siguradong totoo: hindi natatapos sa hatol ng korte ang kuwento ni Alice Guo. Bagkus, mas lalo pa itong lumalalim—mula sa kwestiyon ng pagkakakilanlan, hanggang sa posibleng pagkakasangkot sa isang internasyonal na espionage network.

At sa takbo ng mga pangyayari, tila ang pinakamalaking tanong ngayon ay hindi na kung makakalaya pa ba siya—kundi kung ligtas pa ba siyang mabubuhay.