Sa isang kaso na naging maugong sa buong mundo, partikular sa komunidad ng mga Pilipino-Amerikano, misteryosong naglaho ang isang Filipina-American na si Maya Tabalanza Millet. Ang kanyang pagkawala noong Enero 2021 ay nananatiling isang malaking palaisipan hanggang ngayon, na nag-iwan ng mga katanungan, pagkabahala, at matinding paghahanap sa hustisya para sa kanyang pamilya. Ngunit sa likod ng misteryo, unti-unting lumabas ang isang nakakapanindig-balahibong kuwento ng obsesyon, kontrol, at di-umano’y pagtataksil, na ang pangunahing suspek ay walang iba kundi ang kanyang asawa, si Larry Millet.

Si Maya Tabalanza Millet ay isinilang noong Mayo 1, 1981, sa Ilocos Sur, Pilipinas, ang bunso sa anim na magkakapatid nina Pablito at Noemi Tabalanza. Lumaki siya sa isang simpleng pamumuhay, ngunit pinatunayan niya ang kanyang pagiging masigasig at matalino, na nagdulot upang makapagtapos siya ng elementarya na may karangalan. Noong Marso 1995, lumipat ang kanyang pamilya sa Honolulu, Hawaii, kung saan ipinagpatuloy ni Maya ang kanyang pag-aaral sa Radford High School. Sa edad na 17, nagtrabaho si Maya sa McDonald’s malapit sa Pearl Harbor, at doon niya nakilala ang kanyang magiging mister na si Larry Millet. Ang kanilang pagmamahalan ay nauwi sa kasal noong Mayo 21, 2000, nang si Maya ay 19 anyos pa lamang.

Pagkatapos ng kasal, ipinagpatuloy ni Maya ang kanyang pag-aaral sa University of Hawaii sa Manoa, habang si Larry naman ay nagtungo sa Virginia para sa kanyang Navy training. Kalaunan, lumipat silang mag-asawa sa Southern California upang magsimula ng panibagong buhay. Noong mga panahong iyon, pinili ni Maya na hindi muna magkaanak, at ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa University of California San Diego, kung saan nagtapos siya ng may karangalan sa kursong International Studies. Pagkatapos ay nagtrabaho si Maya bilang civilian contract specialist sa Naval Base sa San Diego.

Dumating sa buhay nilang mag-asawa ang kanilang panganay na anak na si Sara Mae noong 2010, nasundan ito ni Milan, at ang bunso at nag-iisa nilang lalaking anak na si Lazarus Tristan noong 2016. Bilang isang ina, dedikado si Maya sa pagbibigay ng maginhawang buhay para sa kanyang pamilya. Mula sa edukasyon ng kanyang mga anak hanggang sa kanilang mga “unforgettable travel” at “outdoor adventures” bilang pamilya, ibinuhos niya ang lahat. Sa kabila ng pagiging abala bilang isang ina, hindi nakalimutan ni Maya ang kanyang mga hilig gaya ng pagtugtog ng mga instrumento, hiking, dirt biking, at camping kasama ang pamilya. Hindi rin matatawaran ang kanyang kabaitan; hinihikayat niya ang kanyang mga anak na tumulong sa iba, gaya ng ginawa nila sa Pilipinas kung saan namigay sila ng school supplies sa mga batang nangangailangan.

Ang Misteryosong Paglaho at Ang Kakaibang Kilos ni Larry

Maayos ang takbo ng buhay ng pamilya Millet hanggang nitong Enero 2021. Isang nakakakilabot na pangyayari ang gumulat sa Chula Vista, isang maliit at tahimik na lungsod sa San Diego County, California. Si Maya, ang 40-anyos na Filipina-American, ay naglaho nang walang anumang bakas. Base sa imbestigasyon, noong Enero 7, 2021, huling nakita si Maya sa CCTV na bumalik sa kanilang bahay bandang alas-5:00 ng hapon. Mula noon, mistula na lamang siyang naglaho na parang bula. Huling nakausap si Maya ng kanyang pamilya bandang 8:15 ng gabi noong araw na siya’y nawala.

Nagsimulang mabahala ang pamilya ni Maya dahil hindi raw karaniwan ang kanyang pagkawala. Ayon sa ina ni Maya, hindi kailanman nito palalampasin ang kaarawan ng kanyang panganay na anak, na mangyayari tatlong araw mula ng siya ay mawala. Sa labis na pagkabahala, nag-organisa ng malawakang paghahanap kay Maya ang kanyang mga kamag-anak at kaibigan. Nagtanong-tanong sila sa mga tao sa kanilang komunidad, namigay ng mga leaflet, at naglagay ng mga poster sa mga pader at poste sa buong lungsod sa pag-asang may nakakita kay Maya. Sinuyod naman ng pulisya at mga volunteers ang kakahuyan, ang malapit na sapa, at maging ang isang abandonadong golf course na malapit sa kanila. Gayunpaman, nabigo ang mga ito na makakita ng kahit na anong bakas na magagamit bilang lead sa kinaroroonan ni Maya.

Samantala, sa kabila ng malawakang aksyon, tila kakaiba naman ang kinikilos ng mister ni Maya na si Larry. Hindi ito kinabahan at tila walang pakialam sa biglaang pagkawala ng kanyang asawa. Hindi sumama si Larry sa paghahanap kay Maya at makaraan ang ilang araw ay pinutol niya ang komunikasyon niya sa pamilya ni Maya. Sa kabila nito, hindi siya agad pinaghinalaan ng pulisya. Ang paliwanag ni Larry sa kanyang naging reaksyon ay baka buhay si Maya at umalis lang sa kanilang bahay. Hindi raw kasi ito ang unang beses na ginawa ito ni Maya, kwento ni Larry; noong 2020 ay dalawang beses na umalis si Maya ng hindi nagpapaalam sa kanya at sa kanilang tatlong anak. Dahil sa salaysay na ito ni Larry, naghinala ang pulisya na maaaring nagkaroon ng awayang mag-asawa dahilan upang maglayas si Maya. Ngunit sa kabila nito, naging palaisipan ang CCTV footage. Kung umalis si Maya, dapat sana’y nakita siyang lumabas ng bahay, ngunit walang ebidensya na umalis nga ito. Dahil dito, lalong tumindi ang misteryo sa pagkawala ni Maya.

Ang Paglalantad ng Madilim na Sikreto ni Larry

Hindi tumigil ang mga kaanak ni Maya sa paghahanap sa kanya. Nag-hire sila ng isang private investigator at nanawagan sa publiko para sa anumang tulong sa kaso. Noong Pebrero 5, 2021, nagsagawa ng briefing ang Chula Vista Police Department at ang pamilya ni Millet upang mas maraming tao ang makilahok sa paghahanap. Noong mga panahong iyon, isang kalansay ang natagpuan ng mga pulis sa Orange County na noong una ay pinaghinalaan na si Maya, ngunit sa huli ay nakumpirma na hindi siya ito. Lumipas ang ilang buwan ay hindi pa rin natagpuan si Maya, at walang nakaaalam kung siya ay buhay pa o hindi na.

Abril 2021, natuon ang atensyon ng buong bansa sa kaso ni Maya. Ito ay matapos lumabas ang kanyang kapatid sa mga TV shows na Dr. Phil at Good Morning America upang ikwento ang pagkawala ni Maya at manawagan sa mga tao upang mas mapabilis ang paghahanap sa kanyang kapatid. Isinalaysay nito sa show kung sino si Maya bilang isang anak at ina, at ayon sa kanya ayaw magkaanak ni Maya hangga’t hindi pa matatag ang kanilang finances dahil ayaw nitong lumaking naghihirap ang kanilang magiging pamilya. Nang dumating ang kanyang tatlong anak, naging isang mabuting ina si Maya. Lahat ng oras niya ay inilalaan niya sa kanyang mga anak, lagi siyang present sa mga school events, at madalas silang nagta-travel upang makapag-bonding. Ang buhay ni Maya ay nakasentro sa kanyang mga anak.

Sa kabilang banda, masaya rin umano ang pagsasama nina Maya at Larry, ngunit sa pagtatapos ng 2020, nagsimula umanong magkalamat ang relasyon ng mag-asawa. Nag-ugat ang away ng mag-asawa matapos paghinalaan ni Larry na may ibang lalaki si Maya. Ang selos ni Larry ay lumala at umabot sa puntong halos hindi na matiis ni Maya ang kanyang ugali. Labis na kontrolado ni Larry ang bawat kilos ni Maya; palagi niyang minamanmanan ang asawa, kung saan pumupunta pa siya sa opisina ni Maya para siguraduhing wala itong kasamang ibang lalaki. Minsan, nagpadala si Larry ng email sa dating boss ni Maya, humihiling na ilipat ang isang lalaking kasamahan ni Maya sa ibang departamento. Sa sobrang pagkapraning, ginamit pa niya ang mga anak sa kanilang aalitan, tulad ng pagtatago ng cellphone ng isa sa kanilang mga anak sa kotse ni Maya upang masubaybayan ang bawat galaw nito. Umabot sa puntong naging marahas si Larry at napagbubuhatan na nito ng kamay ang asawa. Dahil dito, pansamantalang umalis si Maya at nanirahan sa bahay ng kanyang kapatid noong 2020, ngunit bumalik din siya kay Larry makalipas ang anim na linggo.

Noong Agosto 2020, nag-text si Maya sa kanyang kapatid na si JR, inamin niya sa kapatid na hindi siya tinatantanan ni Larry. Lahat daw ng email, Messenger apps, social media, pati na rin ang Venmo app niya ay tinitingnan umano ni Larry. Bagama’t hindi naging suspek si Larry agad, nagsimulang magsiyasat ng malalim ang pulisya. Ayon sa pamilya ni Maya, bago siya mawala, nagpunta sila sa isang camping trip na puno ng pagtatalo. Pagbalik mula sa camping, sinabi ni Maya sa kanyang pamilya na kung may mangyari man sa kanya, “si Larry ang may kinalaman.” Sa iba pang pahayag, sinabi umano ni Maya sa isang kaibigan na natatakot siya na baka saktan ni Larry ang kanilang mga anak para makaganti sa kanya. Sa kabila ng mga babala ni Maya, nanatili siyang tahimik tungkol sa lalim ng problema nila ni Larry. Sa mga mata ng iba, maaaring nakita si Larry bilang isang mapagmahal na asawa, ngunit sa likod nito ay nagtatago pala ang isang manipulative at control freak na asawa.

Obesesyon at Okultismo: Ang Nakakapanindig-balahibong Ebidensya

Nagsimula ring makita ang tunay na pagkatao ni Larry sa pamamagitan ng kanyang kakaibang mga hakbang upang kontrolin si Maya. Ayon sa imbestigasyon, sinubukan ni Larry na impluwensyahan ang isipan ni Maya gamit ang mga kakaibang taktika. Naglagay si Larry ng mga “audio device” sa bahay kung saan maririnig ang mga mensahe tulad ng “mahal kita” at “mahalin mo ako” araw-araw. Naririnig ito ni Maya na nagdulot ng matinding stress sa kanya. Nakiusap umano si Maya kay Larry na itigil ang ganitong gawain dahil labis na naapektuhan nito ang kanyang mental health, ngunit hindi siya pinakinggan.

Ngunit hindi rito natatapos ang mga nakakakilabot na gawain ni Larry. Sa mas malalim na imbestigasyon, nabunyag na mula Setyembre 2020 hanggang sa pagkawala ni Maya, nagpadala si Larry ng mahigit isang libong mensahe sa mga “spell casters” o mangkukulam at psychics. Gumastos siya ng higit sa isang libong dolyar para bumili ng mga “spell charms.” Natagpuan din sa kanilang bahay ang aklat na “Magical Love Spells.” Ayon sa mga mensahe ni Larry, humihiling siya ng mga spell upang gawing dependent sa kanya si Maya. Isang mensahe niya ang nagsasabing gusto niya ng isang malakas na spell na magbibigay sa kanya at sa asawa magpakailanman upang mahalin siya nito ng wagas, katulad umano ng pagmamahal na ibinibigay niya sa kanya.

Isa pang nakakakilabot na pangyayari ang nasaksihan ni Maya na nagpapakita ng pagiging “psychopathic” ni Larry. Naglagay si Larry ng maliit na altar sa kanilang bahay na may larawan nilang mag-asawa na pinahiran niya ng sariling dugo at pinalibutan ng apat na kandila. Sa kabila ng kanyang panlabas na anyo bilang isang mapagmahal na asawa at ama, lumalabas na si Larry ay naging obsessed kay Maya. Isang bagay na hindi na nito natiis kaya noong Disyembre 2020, napagdesisyunan na ni Maya na makipag-divorce kay Larry.

Ang Plano ng Divorce at Ang Huling Araw ni Maya

Noong Enero 7, 2021, nakipag-ugnayan si Maya sa isang abogado upang pag-usapan ang kanyang plano na mag-divorce. Ito rin ang hinihinalang araw kung kailan siya nawala. Sa ulat ng prosecutor, binalaan na ni Maya ang mga kaibigan niya tungkol sa galit ni Larry dalawang araw bago siya mawala. Sinabi ni Maya sa isang kaibigan na gusto na niyang tapusin ang kanilang pagsasama dahil ayaw na niyang magpanggap na maayos sila sa harap ng kanilang mga anak. Ngunit gaya ng inaasahan, hindi raw pumayag si Larry. Sinabi rin ng mga abogado ni Maya na pinagplanuhan niyang mabuti kung paano ihaharap kay Larry ang mga papeles para sa divorce dahil sa takot siya sa magiging reaksyon nito. Isinaalang-alang pa niyang manirahan pansamantala sa bakanteng apartment ng isang kaibigan, ngunit ayaw niyang iwanan ang kanyang mga anak kasama si Larry.

Dahil sa mga detalyeng ito, napatunayan ng mga awtoridad na may matibay na motibo si Larry sa pagkawala ni Maya. Noong Enero 23, 2021, nagsagawa ng search warrant ang pulisya sa bahay ng pamilya Millet. Natagpuan nila ang ilang baril na pagmamay-ari ni Larry, dalawa sa mga ito ay ilegal, at apat ang nawawala. Ngunit sinabi ni Larry na ipinahiram niya ang mga ito sa kanyang kaibigan at tiyuhin. Dahil dito, inisyuhan si Larry ng restraining order noong Mayo 2021 upang isuko ang kanyang mga armas.

Base naman sa CCTV footage ng kanilang kapitbahay, noong umaga ng Enero 8, nakita ang itim na SUV ng pamilya Millet, isang Lex GX 460, na minamaneho ni Larry paalis ng bahay. Bumalik si Larry sa bahay bandang alas-6:00 ng gabi, ngunit hindi malinaw kung saan siya nagpunta sa maghapon. Ang sasakyan ay nakaposisyon sa paraan na hindi mahagip ng camera ang likurang bahagi nito. Noong Enero 8, 2021, araw ng kaarawan ng panganay na anak ni Maya, nagtungo ang kapatid niya sa Chula Vista upang alamin ang kanyang kalagayan. Sinabi ni Larry na noong gabi ng Enero 7, nagkulong si Maya sa kanyang silid matapos nilang magtalo at hindi na ito lumabas. Ngunit nang buksan ng pamilya ang silid ay wala roon si Maya. Ang kanyang sasakyan ay nasa labas ng bahay, ngunit ang kanyang credit card at driver’s license ay nawawala.

Noong Enero 15, 2021, limang araw matapos ang kaarawan ng kanyang anak, saka pa lamang nagpahayag si Larry ng pag-aalala sa pagkawala ni Maya. Ayon sa mga prosecutor, noong Enero 8, nagpadala si Larry ng mensahe sa isang mangkukulam upang alisin ang mga spell kay Maya at ilipat ito sa lalaking pinaghihinalaan niyang karelasyon ng asawa. Noong gabing iyon, may narinig na anim na malalakas na tunog mula sa bakuran ng pamilya Millet base sa CCTV footage ng kanilang kapitbahay. Bagamat hindi matukoy kung ano ang pinagmulan ng mga tunog, iniisip ng pulisya na maaaring putok ito ng baril. Natuklasan din na nawawala ang isang .40 caliber Smith & Wesson pistol mula sa koleksyon ni Larry.

Sa patuloy na imbestigasyon ng mga awtoridad, isang nakakapanindig-balahibong detalye ang natuklasan tungkol sa nakaraan ni Larry. Noong 1997, siya ay inaresto dahil sa isang insidente ng pag-atake na may kaugnayan sa gang. Ayon kay Billy Little, abogado ng pamilya ni Maya, naniniwala siyang dati nang kasapi si Larry sa isang gang. Bagamat nabuhay ang biktima ni Larry noon, maraming sugat ang natamo nito. Ang nakaraan ni Larry at ang mga kakaibang ginagawa niya gaya ng pagiging obsessed, paggamit ng spells, at mga armas ay tila ilaw na nagbibigay-liwanag sa misteryo ng pagkawala ni Maya.

Ang Pag-aresto, Paglilitis, at Ang Walang Katapusang Tanong

Noong Pebrero 3, 2021, tumigil si Larry sa pakikipagtulungan sa pulisya. Noong Hulyo 22, opisyal siyang pinangalanan bilang suspek sa pagkawala ni Maya. Ayon sa imbestigasyon, pinaghihinalaang winakasan ni Larry ang kanyang asawa noong gabi ng Enero 7 at pagkatapos ay itinago ang labi nito. Paulit-ulit namang ikinuwento ni Larry ang parehong bersyon sa mga awtoridad at sa pamilya ni Maya: ang kanilang pagtatalo at ang pagkukulong umano ni Maya sa kwarto. Ngunit isang nakakapagtakang detalye ang natuklasan ng mga awtoridad. Naka-off ang telepono ni Larry ng halos labing-isang oras noong Enero 8. Hindi rin siya pumasok sa trabaho sa araw na iyon at walang nakakaalam kung nasaan siya o kung ano ang kanyang ginawa.

Ang CCTV ng kapitbahay ay nakunan si Larry na ipinarada ang kanyang sasakyan sa paraan na hindi mahagip ang likod nito ng camera. Pinaghihinalaang ginamit niya ang pagkakataong ito upang ilabas si Maya mula sa garahe at isakay sa kanyang sasakyan. Pagkatapos nito, maaaring itinapon niya ang labi sa hindi pa natutukoy na lugar. Natuklasan din ang pagbura ni Larry sa buong conversation niya at ni Maya sa kanyang cellphone. Nang tanungin tungkol dito, sinabi niya na ginawa niya iyon upang magkaroon ng space ang storage ng kanyang telepono. Bukod dito, ilang araw bago ang kanyang pag-aresto, nag-withdraw siya ng malaking halaga mula sa kanyang bangko. Pinaghihinalaang plano niyang tumakas o magsimula ng panibagong buhay.

Noong Oktubre 19, 2021, inaresto si Larry sa kasong pagwakas ng buhay ni Maya batay sa “circumstantial evidences.” Ang tatlong anak nila ay inilagay sa kustodiya ng mga magulang ni Larry upang maiwasan ang karagdagang trauma. Pinagbawalan si Larry na makipag-ugnayan sa kanyang mga anak, ngunit nilabag niya ito ng maraming beses. Nakagawa siya ng higit sa 100 daang tawag sa telepono upang makausap ang mga anak. Sa ilang recorded na tawag, siniraan pa niya ang pamilya ni Maya at humiling ng balita tungkol sa kaso. Ayon kay Deputy District Attorney Christy Balls, inutusan pa niya ang limang taong gulang na anak na manood ng pelikulang Shot Caller, isang R-rated na pelikula tungkol sa isang negosyanteng napunta sa bilangguan.

Noong Oktubre 2022, pinayagan si Larry na makipag-ugnayan sa kanyang mga anak sa pamamagitan ng sulat. Gayunpaman, ipinagbawal pa rin ang personal na pagbisita o pagtawag sa telepono. Nanatili ang kustodiya ng mga bata sa mga magulang ni Larry sa Chula Vista, bagamat nais din ng kapatid ni Maya na kunin ang kustodiya ng mga bata, ito’y tinanggihan ng korte. Pinahintulutan lamang ang pamilya ni Maya na bumisita sa mga bata sa ilalim ng mahigpit na kondisyon. Ang sitwasyong ito ay nagdulot ng maraming tanong tungkol sa hustisya. Bakit pinayagan ng korte na ibigay ang mga bata sa kustodiya ng pamilya ng taong pinaghihinalaang bumawi ng buhay ng kanilang ina? Marami ang naniniwalang mas makakabuti para sa mga bata kung nasa kustodiya sila ng pamilya ni Maya, ngunit hindi ito sinang-ayunan ng korte.

Ang paglilitis para sa kaso ni Larry ay nakatakda sa taong 2024. Gayunpaman, ilang beses na itong ipinagpaliban. Sa kabila ng “circumstantial evidences,” nananatiling mahirap patunayan ang kaso nang walang direktang ebidensya, lalo na’t hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan ang labi ni Maya.

Ano nga ba ang tunay na nangyari noong Enero 7, 2021? Anong ginawa ni Larry sa kanyang asawa? At nasaan na nga ba si Maya ngayon? Sa kabila ng mga tanong at hindi pa nasasagot na misteryo, hindi maitatago na ang tunay na epekto nito ay sa tatlong inosenteng bata. Mga bata na nawalan ng ina at may ama na ngayon ay nasa kulungan. Ang masakit na katotohanan ay naiwan ng tatlong inosenteng bata nang walang magulang, bitbit ang habambuhay na trauma sa kanilang isipan. Sa huli, masasabing hindi lamang iisang tao ang biktima ng kwentong ito.