Pamilya ni CJ Baldonado, gagawin ang lahat para makakuha ng hustisya.

cj baldonado death

Carl Jayden “CJ “Baldonado, the 15-year-old student who was hit by a falling concrete debris at a condo in Quezon City, passes away on August 27, 2025.

Pumanaw sa edad na 15 si Carl Jayden “CJ “Baldonado ngayong Miyerkules, Agosto 27, 2025.

Si CJ ang isa sa tatlong estudyanteng nabagsakan ng palitada ng Atherton Condominium sa kanto ng Roces Avenue at Tomas Morato Avenue, Quezon City, noong Agosto 12.

Tinamaan si CJ sa ulo ng natipak na palitada na dahilan para ma-comatose siya at sumailalim sa operasyon sa isang ospital sa Quezon City.

Sa pakikipag-usap ng Cabinet Files sa ama ni CJ na si Jason Baldonado ngayong araw, sinabi nitong inaayos pa nila ang pagbuburulan sa bangkay ng kanyang anak.

Nangako siyang ibabahagi ang mga detalye sa Facebook page niya.

JASON BALDONADO’S FAREWELL MESSAGE TO SON CJ

Labis ang pagdadalamhati ng pamilya ni CJ at ng mga sumubaybay sa kuwento ng pakikipaglaban niya para mabuhay dahil sa kanyang pagpanaw sa murang edad.

Marami ang naantig ang damdamin sa mensahe ng pamamaalam ni Jason sa anak.

Sa pamamagitan ng Facebook post ngayon ding araw, humingi siya ng paumanhin kay CJ dahil sa mga pagkukulang niya bilang ama.

Mensahe ni Jason (published as is): “Kuya CJ [Carl Jayden Baldonado] sorry sa lahat ng pag kukulang ko bilang isang tatay

“Pinaka masakit bilang isang magulang ang mag hatid ng anak sa hukay

“tapos na din ang pag hihirap mo kuya CJ

“binigyan mo kami ng magndang laban

“pinag bigyan kami ng panginoon ng 2nd chance na makasama ka para makapag paalam

“alam ko narinig mo kami sa panahong lumuluha ka pag kausap ka namin

“wag mo kami pabayaan kuya

“masakit pero alam ko lahat may purpose si lord

“samahan mo kami palagi sa mga pag dadaanan namin pag subok

“kuya mahal na mahal ka po namin sobra

“kahit ganito hindi mo pa din kami pinahirapan

“pangako ko sayo hindi ko sila pababayaan mga kapatid mo pati si mama manatiling masaya

“kuya salamat sa lahat

“ilove u sobra!!”

Nilagyan ni Jason ang kanyang post ng hashtag na #JusticeForCJ — isang malinaw na pahiwatig na gagawin nila ang lahat para mabigyan ng katarungan ang malagim na trahedyang nangyari sa kanyang panganay na anak.

 

QUEZON CITY GOVERNMENT

Sa pamamagitan naman ng isang opisyal na pahayag, ipinarating ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang kanilang pakikiramay sa mga naulila ni CJ.

Nangako rin silang magbibigay ng tulong sa pamilya ng nasawi.

Tiniyak din ng Quezon City LGU na sasampahan nila ng kasong kriminal at administratibo ang responsable sa insidenteng ito.

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓

Nakasaad sa mensahe: “Napakasakit at napakabigat ng trahedyang ito.

“Tinitiyak namin sa pamilya at sa publiko na gagawin ng Pamahalaang Lungsod ang lahat ng nararapat upang makamit ni CJ at ng dalawa pang batang naapektuhan ng insidente ang hustisya.

“Ang Social Services Development Department ay nakikipag-ugnayan na sa pamilya upang agad na maipaabot ang kinakailangang tulong.

“Kasabay nito, isinasapinal na ng Quezon City Police District at ng Pamahalaang Lungsod ang kasong kriminal at administratibo para mapanagot ang pinaniniwalaang mga responsable sa pangyayari.

“Hinihikayat namin ang lahat na ipagdasal ang agarang paggaling ng iba pang biktima at bigyang-lakas ang mga pamilyang naapektuhan.

“Makakaasa kayo na gagawin ng Lokal na Pamahalaan ang lahat ng aming makakaya upang hindi na maulit ang ganitong uri ng kapabayaan.

“Ang kaligtasan at kapakanan ng bawat QCitizen, lalo na ng ating mga kabataan ay nananatiling pangunahing prayoridad ng Pamahalaang Lungsod.”

quezon city government