Nagsimula ang lahat sa isang pangarap na iahon ang pamilya sa kahirapan, isang kwento na pamilyar sa maraming Pilipino. Si Joel, isang masipag na electrician mula sa Bulacan, ay nangarap ng mataas hindi lamang para sa kanyang sarili kundi para sa kanyang matagal ng kasintahan na si Carol. Bitbit ang pag-asa at pangako ng isang magandang kinabukasan, lumipad siya patungong Middle East, tinitiis ang lungkot at pangungulila sa disyerto maipagpatayo lang ng desenteng bahay ang babaeng kanyang pakakasalan. Sa kabilang banda, si Carol ay naiwan sa Pilipinas, nangakong maghihintay at magiging tapat. Ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana at may mga pagkakataong ang tukso ay mas malakas kaysa sa pangako. Habang nagpapakahirap si Joel sa ibang bansa, si Carol ay unti-unting nahulog sa isang bitag na siya rin ang gumawa—ang paghahanap ng aliw sa social media na nauwi sa isang malaking pagkakamali.

Sa paglipas ng panahon, ang simpleng pakikipag-chat ni Carol ay nauwi sa pakikipagkita sa ibang lalaki. Ang panandaliang aliw ay naging isang bangungot na hindi niya matakasan. Lingid sa kaalaman ni Joel, ang babaeng kanyang pinagkakatiwalaan ay may itinatago na palang mabigat na sikreto. Nang magpasya si Joel na umuwi sa Pilipinas upang surpresahin si Carol at simulan ang pagpapatayo ng kanilang pangarap na bahay, hindi niya alam na siya pala ang higit na masusurpresa. Isang balita ang sumalubong sa kanya—nagdadalang-tao si Carol. Dahil sa pagmamahal at tiwala, inakala ni Joel na ito ay isang biyaya, lalo na’t naabutan siya ng lockdown sa bansa. Buong puso niyang tinanggap ang responsibilidad, inalagaan si Carol, at tuluyang pinakasalan sa pag-aakalang ang batang dinadala nito ay bunga ng kanilang pagmamahalan.

Masayang isinilang ang sanggol na si Giro at itinuring ni Joel na tunay na anak. Ibinigay niya ang lahat—oras, pagmamahal, at suporta. Ngunit habang lumalaki ang bata, isang nakakabahalang katotohanan ang unti-unting napapansin ni Joel. Ang mga pisikal na katangian ng bata ay tila malayo sa kanilang mag-asawa. Ang maitim na buhok at ibang hitsura ng bata ay nagdulot ng pagududa sa isipan ni Joel na pilit niyang iwinawaksi. Sinubukan niyang kausapin si Carol, ngunit galit at panunumbat lamang ang kanyang natanggap. Dahil sa hindi maipaliwanag na kutob, lihim na kumuha si Joel ng sample mula sa bata at nagpa-DNA test nang hindi alam ng kanyang asawa. Ang resulta na lumabas sa papel ay tila isang bombang sumabog sa kanyang pagkatao—”Probability of paternity: 0.00%”.

Ang mundo ni Joel ay gumuho sa isang iglap. Ang batang minahal niya at inakala niyang kadugo ay hindi pala kanya. Sa kabila ng sakit, hinarap niya si Carol bitbit ang ebidensya. Ang dating maingay at matapang na asawa ay nanahimik na lamang, walang maibigay na paliwanag sa harap ng katotohanan. Hindi nagpadala sa dahas si Joel, sa halip ay idinaan niya sa legal na proseso ang lahat. Nagsampa siya ng kaso laban kay Carol dahil sa panloloko at pagpapaniwala sa kanya na siya ang ama ng bata. Napatunayan sa korte ang kasinungalingan ni Carol na naging dahilan upang mapawalang-bisa ang kanilang kasal at siya ay managot sa batas. Ang bahay na simbolo ng kanilang pangarap ay ibinenta ni Joel, at siya ay lumayo upang magsimula muli sa probinsya, bitbit ang aral na minsan, ang taong pinaka-pinagkakatiwalaan mo pa ang siyang dudurog sa iyong puso.