Sa buhay natin, sinasabing mahalaga ang isang kaibigan — isang taong laging nandiyan sa tuwa at problema, kaagapay sa laban ng buhay, at walang iiwanan. Ngunit paano kung ang kaibigan mong pinakamalapit… siya palang siyang papatay sa iyo?

Sabi nga ni Bob Marley: “Your best friend is your worst enemy.” At sa kwentong ito, napatunayan ito sa pinaka-makulimlim na paraan.

Si Bea Claire Mori: Isang Bata, Isang Pangarap

Si Bea Claire Mori ay labing-limang taong gulang noon, bunso sa kanilang magkakapatid mula sa Jabonga, Agusan Del Norte. Mahirap man ang buhay, sinikap ng kanyang pamilya na maipag-aral siya sa isang pribadong paaralan sa Cabadbaran City. Pangarap niyang maging isang guro balang araw — isang pangarap na sinusuportahan ng kanyang mga magulang sa kabila ng hirap ng buhay.

Dahil malayo ang paaralan, napagpasyahan ng kanyang pamilya na tumira siya sa isang boarding house sa lungsod. Dito niya nakilala si Racman Panondi, kilala rin bilang Ayumie Jhane Racman, isang 22 taong gulang na homosexual. Sa kabila ng pitong taong agwat, naging magkaibigan silang dalawa, halos araw-araw na magkasama at nagkukwentuhan sa mga simpleng bagay hanggang sa maging matalik na magkaibigan.

Ang Huling Ngiti

Noong June 6, 2020, bandang 2:43 ng hapon, nag-post si Ayumie ng larawan kasama si Bea sa Facebook, may caption na “nakalabas sa hawla.” Makikita ang kanilang ngiti sa larawan — ngunit ito na pala ang huling pagkakataon na makikitang magkasama silang dalawa.

Kinabukasan, June 7, 2020, nag-post si Ayumie na nawawala si Bea. Sinubukan nilang kontakin ang bata, ngunit wala nang sagot. Hanggang bandang June 8, humingi na siya ng tulong sa kanyang mga kaibigan at Facebook contacts, naglagay ng larawan ni Bea at humihiling ng impormasyon kung nasaan siya.

Ang Nakakatakot na Pagkatuklas

Bandang alas-singko ng hapon, may isang lalaki na pumunta sa Kabadbaran public cemetery at nakita ang bangkay ng isang babae sa tabi ng puntod ng kanyang kaanak. Nakasuot ng maroon na t-shirt at maong na shorts, may tuyong dugo sa mukha, dalawang saksak sa tiyan, at laslas sa leeg — walang ibang pagkakakilanlan. Agad na na-report sa pulisya, at sa tulong ng mga kaibigan, nakumpirma na ito ay si Bea Claire Mori.

Hinala sa Pinakamatalik na Kaibigan

Si Ayumie, bilang huling nakasama ni Bea, ay naging sentro ng imbestigasyon. Sa una, kusang-loob siyang pumupunta sa police station para magbigay ng impormasyon, ngunit lumalabas na may inconsistencies sa kanyang mga pahayag. Ang mga CCTV footage ay taliwas sa kanyang kwento na may sumundo kay Bea na lalaki, at lumabas sa mga testimonya ng kaibigan nila na pinagsasabi umano niya ang ibang bagay sa mga pulis.

Habang umuusad ang imbestigasyon, nadiskubre ng mga pulis ang malalim na selos ni Ayumie sa pagitan niya at ng nobyo niyang si Kent, na diumano’y nagkaroon ng pagtingin kay Bea. Ang matalik na pagkakaibigan na matagal nilang binuo ay nauwi sa trahedya.

Pag-amin at Pagbagsak

Sa huli, nang maharap na sa mga ebidensya at inconsistencies, hindi na nakalusot si Ayumie. Humingi siya ng tawad at inamin na siya ang may kagagawan sa kamatayan ni Bea. Ang kaibigan na itinuring niyang pinakamalapit, siya na pala ang rason sa pagkawala ng bata.

Ang kwentong ito ay paalala: minsan, ang pinakamatalik mong kaibigan ay maaaring may madilim na lihim, at ang mga ngiti na ipinapakita sa social media ay hindi laging katotohanan.